Pinoy BigBrother Fantasy Game Season 3

Saturday, August 19, 2006

DAY SEVENTY-SEVEN
Rex blogs: Kailangang mag-Filipino...

Yaman din lamang na sa araw na ito ay ang pagdiriwang ng Quezon Day, minabuti kong mag-blog sa ating sariling wika.

So eh ano naman ngayon? Haha!

Hay naku, tiyak na mahihirapan ako sa pagsulat ng aking blog sa para sa araw na ito. Inaamin ko na may kahit papaano ay may talento ako sa pagsulat, pero inaamin ko rin na mas matatas ako sa pagsulat sa Ingles kaysa Filipino. Nakakahiya ba ito? Hindi naman sana noh! Hehe!

So bakit nga kaya?

Nabasa ko sa isa sa isang nobelang binabasa ko dati, "Don't laugh at other students who speak weird tongues, for it means that they know more languages than you do." (Amerikano kasi yung bida sa nobela). Napaisip tuloy ako dati, "Aba oo nga no! Kung tutuusin, lamang tayo sa mga Amerikano sa aspetong iyon!" Kasi biruin ninyo, maliban sa Ingles ay marunong din tayo ng Filipino (naturalmente, duh!). Eh ang mga Kano? Ingles lang ang alam nila, akala mo kung sino! Haha!

Kung gayon pala, mas magaling pa ang mga probinsyano kaysa mga taga-Maynila. Kasi, mas lamang kami ng isa pang lengwahe sa kanila, dahil alam din namin ang sari-sariling linggua franca ng aming mga rehiyon. O diba? Halimbawa, dahil taga-Pampanga ako, 3 salita ang kaya kong gamitin nang maayos: Kapampangan, Filipino at Ingles.

Syempre, Kapampangan ang unang salitang natutunan ko. Pinakinggan ko kasi noong minsan ang mga boys teyp namin nina Mama at Ate para sa Papa na nagtatrabaho na sa Bahrain. Salamat sa Batibot at sa mga ilang kalaro ko, natutuo din naman ako ng Tagalog. Syempre, pagdating sa paaralan, kahit na pare-pareho naman kaming Kapampanga, Tagalog pa rin ang ginagamit. (Tanong ko lang, sa mga may ibang linggua franca sa inyo, sabihin na nating sa bahay, iyun ang gamit niyo, pagdating ba sa paaralan iyun pa rin?). At dahil pinalad naman akong makapag-aral sa mga matitinong eskwelahan, natuto rin ako ng Ingles. Dito ko sinisisi ang aking mabusising ina, haha! Lagi niya kasing tinatama ang mga mali ko sa pag-Iingles, hehe!

Mabalik tayo sa aking orihinal na tanong, bakit nga kaya mas gamay ko ang Ingles kaysa Filipino sa pagsusulat?

Sa palagay ko, ito ay dahil kapag nag-iisip ako, madalas ay Ingles din ang gamit ko. Wehehe, sosyal, diba! Haha! Pero sa tingin ko, nagsimula kong nakasanayan ito nang nasa mataas na paaralan na ako. Syempre, iyun na ang panahon na mas malaking pagkamulat sa mundo (lalu na sa mundo ng kaybol telebisyon, haha!). Iyun ay kasagsagan ng kasikatan ng MTV, hehe. Aba syempre, tulad ng ibang kabataan tulad ko noong mga panahong iyon, pinagarap ko rin maging tulad nina Donita Rose, Jamie Aditya at KC Montero (aba akalain mo, magpasahanggan ngayon ay VJ pa rin si KC).

Pero hindi naman ako conyo sa personal dahil Filipino at Filipino pa rin ang ginagamit ko sa pang-araw-araw na buhay. Pero ayun nga, mahilig pa rin akong gumamit ng mga parirala sa Ingles paminsan-minsan.


Aaaaargh! Ang hirap talaga nito! Hehe! Patawad sa ating sariling wika, pero nahirapan talaga ako na huwag gumamit ng Ingles sa kahit anong salita (maliban sa blog, hehe). Katatawanan nga eh! Pero iyung nakakatawa na nakakaaliw, hindi iyong nakakatawa na nakakahiya.

Isang hamon sa mga may mababait na mag-bibigay ng kani-kaniyang palagay, sige nga, purong Filipino ang gamitin mo? Hehe..

0 Comments:

Post a Comment

<< Home